Para sa Inang ko, na hanggang ngayon ay naaalala ko sa mga simpleng bagay.
Ito ang mga naaalala ko, hangga’t kaya pa ng aking alaala.
Mahilig siyang manood ng mga palabas ni Fernando Poe Junior. Inaabangan niya talaga iyon pagsapit ng tanghali. Kahit paulit-ulit na ang palabas, gustong-gusto niya pa rin itong panoorin.
[Credits: Cultural Center of the Philippines || Ang Panday, 1980 (courtesy: FPJ productions)
Nakakasawa na minsan, oo, pero para sa kanya, parang isang kanta na kahit ilang beses mo nang narinig, gusto mo pa ring ulit-ulitin dahil sa sobrang ganda.
May mga panahong nasa kwarto niya ako at nakikita ko siyang nanonood ng late broadcast sa ABS-CBN, hinihintay ang paborito niyang palabas—si FPJ.
Kapag naiisip ko iyon ngayon, ang simple lang pala ng mga sandaling iyon. Wala namang espesyal na nangyari. Nanonood lang siya, at ako naman, naroon lang.
Pero ngayon, iyon ang mga alaala na gusto kong balikan.
Ganito ko rin siya naaalala sa labas ng bahay.
Siya iyong maligalig makipag-usap sa mga tao sa barangay namin. Kahit hindi niya kilala, kakausapin niya at makikipagkaibigan. Mahilig siyang lumabas-labas tuwing hapon para makipagkuwentuhan sa mga kapitbahay.
Parang kahit saan siya mapunta, may makakausap siya.
At kapag may mga batang umiiyak, lalo na iyong hindi mapatahan, siya ang unang bubuhat sa kanila. Hindi ko alam kung anong mayroon sa kanya, pero sa tuwing nasa mga bisig niya ang isang bata, parang unti-unting humuhupa ang kanilang pag-iyak. Para bang may kakaibang lambing sa kanyang mga kamay—isang kapanatagang hindi kailangang ipaliwanag, basta maramdaman.
Tuwing birthday niya naman, ang palagi niyang hiling ay swimming.
Mahilig kasi siyang lumangoy. Kahit matanda na siya, malakas pa rin ang kanyang katawan, halos puro itim pa rin ang kanyang buhok, at malinaw pa rin ang kanyang mga mata. Kapag naaalala ko iyon, natatawa ako nang kaunti, dahil hindi lahat ng matatanda ay ganoon.
Ang dami pa niyang gustong gawin.
Parang hindi niya hinahayaang maging hadlang ang edad sa mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Sa bawat paglangoy, sa bawat kuwentuhan, at sa bawat simpleng araw, dala niya ang siglang tila ayaw tumanda.
At iyon ang isa sa mga bagay na pinakamamahal ko sa kanya—ang paraan ng kanyang pamumuhay na laging may bukas pang naghihintay.
Hindi ko man alam kung ano pa sana ang mga gusto niyang gawin, pero sana, sa mga araw na hindi ko na siya kasama, alam niyang ang mga alaala niyang puno ng saya ay patuloy kong dadalhin.
Nagsimula ang kanyang pagbabago noong pandemya
March 17, 2020 nagkaroon ng COVID-19 lockdown sa buong Luzon known as Enhanced Community Quarantine (ECQ)
Ang pinakaikagagalit ko sa aking sarili ay hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanya bago ako bumiyahe papuntang Pangasinan.
Ni hindi na ako nakabisita muli dahil sa pandemya.
Akala ko, may pagkakataon pa.
Akala ko, makakabalik pa ako.
Pero hindi pala.
Noong nagsimula ang pandemya, hindi na siya gaanong nakalalabas. At kahit ang paborito niyang palabas ay tila hindi na niya hinahanap.
Pilít namin siyang sinasabihan, “Inang, nood ka. Yung paborito mo oh, FPJ.”
Ang Laging sagot niya, “Alam ko na ’yan” O kaya, “Napanood ko na ’yan.”
Dati, ang palabas na iyon ang inaabangan niya pagsapit ng tanghali. Ngayon, kahit paulit-ulit namin siyang yayain, mas lalo lamang siyang nagagalit at naiirita, tila wala na siyang ganang manood sa tuwina.
Unti-unti na siyang kinakain ng kalungkutan, Pati ang mga bagay na dating nagbibigay sa kanya ng kasiyahan. Ang mga kuwentong dati niyang gustong pakinggan, Ngayon ay tila hindi na niya hinahanap-hanap kailanman.
Napapansin namin ang kanyang pagbabago, Hindi na interesado sa mga kuwentong dati niyang gusto. Ayaw nang kumain, mas gusto na lamang ang pahinga, At ang dating masiglang Inang kilala namin ay tila unti-unting nawawala.
Hanggang sa dumating ang araw na ang pahingang hinihingi niya ay napasakanya na hanggang dulo, At ang tahanang dati’y puno ng kuwento ay naiwan sa tahimik na mundo.
Sana’y alam niya kung gaano namin siya kamahal, At kung gaano kasakit ang bawat alaala niyang aming pinanghahawakan.
Setyembre 15, 2020 || Labinlimang araw bago ang aking kaarawan
Hanggang ngayon, kapag naaalala ko siya, hindi agad ang pagkawala ang pumapasok sa isip ko. Mas nauuna iyong mga simpleng bagay—ang panonood niya ng FPJ, ang pakikipagkuwentuhan niya sa mga kapitbahay, at ang paborito niyang swimming tuwing birthday. Siguro ganoon talaga ang isang tao kapag nawala. Hindi naman agad nawawala ang alaala. Naiiwan parin sila sa maliliit na bagay, sa isang palabas, sa isang kuwentuhan, sa mga bagay na dati ay ordinaryo lang.
Salamat sa mga alaala. Salamat dahil minsan sa buhay ko, naging bahagi ka ng mundo ko. Kahit hindi ako nakapagpaalam, at hindi ako mahilig magsabi ng matatamis na salita, pero para sa’yo—Mahal na mahal kita, Inang ko.


